15. Pero tungkol lang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong Kautusan. Kayo na ang bahala riyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay.”
16. At pinalabas niya sila sa korte.
17. Pagkatapos, hinuli ng mga Griego si Sostenes na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ginulpi nila roon mismo sa labas ng korte, pero hindi ito pinansin ni Galio.
18. Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Nagpagupit siya roon ng buhok dahil natupad na niya ang isa niyang panata sa Dios. Mula sa Cencrea bumiyahe sila papuntang Syria.