Mga Gawa 17:8-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila.

9. Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.

10. Kinagabihan, pinapunta ng mga mananampalataya sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating nila roon, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio.

11. Mas bukas ang kaisipan ng mga taga-Berea kaysa sa mga taga-Tesalonica. Gustong-gusto nilang makinig sa mga itinuturo nina Pablo. At araw-araw nilang sinasaliksik ang Kasulatan para tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi nina Pablo.

12. Marami sa kanila ang sumampalataya kabilang dito ang mga Griegong babae na kilala sa lipunan at mga Griegong lalaki.

13. Pero nang marinig ng mga Judio sa Tesalonica na nangaral si Pablo ng salita ng Dios sa Berea, pumunta sila roon at sinulsulan ang mga tao na manggulo.

14. Kaya inihatid ng mga mananampalataya si Pablo sa tabing-dagat. Pero sina Silas at Timoteo ay nagpaiwan sa Berea.

15. Ang mga taong naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Athens. Pagkatapos, bumalik sila sa Berea na dala ang bilin ni Pablo na pasunurin sa kanya sa Athens sina Silas at Timoteo.

Mga Gawa 17