11. Bumiyahe kami mula Troas papuntang Samotrace, at kinabukasan ay dumating kami sa Neapolis.
12. Mula Neapolis, pumunta kami sa Filipos, ang pangunahing lungsod ng Macedonia. Maraming nakatira roon na taga-Roma. Tumigil kami roon ng ilang araw.
13. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Judio para manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila.
14. Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tyatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay ube, at sumasamba siya sa Dios. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso para tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo.
15. Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kaming tumuloy sa bahay nila.
16. Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula.