23. Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”
24. Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.”
25. Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!”
26. Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.
27. Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya.
28. Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa.
29. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”