58. Sumunod din si Pedro roon, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya upang malaman kung ano ang mangyayari kay Jesus.
59. Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan.
60. Pero wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan. Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit
61. at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Dios at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.”
62. Tumayo ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?”
63. Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buhay na Dios, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Dios?”
64. Sumagot si Jesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ako na Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihan na Dios. At makikita rin ninyo ako na dumarating mula sa ulap dito sa mundo.”
65. Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Dios! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios!
66. Ano ngayon ang hatol ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.”