Mateo 22:30-44 Ang Salita ng Dios (ASND)

30. Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit.

31. Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya,

32. ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.”

33. Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.

34. Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya.

35. Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya,

36. “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”

37. Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’

38. Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat.

39. At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’

40. Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”

41. Habang nagkakatipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus,

42. “Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Cristo? Kaninong angkan siya nagmula?” Sumagot sila, “Kay David.”

43. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung angkan lang siya ni David, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon,’ sa patnubay ng Banal na Espiritu? Ito ang sinabi niya,

44. ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’

Mateo 22