13. Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin.
14. Hayaan ninyo sila. Mga bulag silang tagaakay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”
15. Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.”
16. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan?
17. Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi?
18. Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso ng tao, at ito ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios.
19. Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa.
20. Ang mga bagay na ito ang nagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”
21. Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon.
22. May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David, maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.”