10. at agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga tagasunod niya, at pumunta sila sa Dalmanuta.
11. Pagdating nila roon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukin siya kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios bilang patunay na sugo nga siya ng Dios.
12. Pero napabuntong-hininga si Jesus at sinabi, “Bakit nga ba humihingi ng himala ang mga tao sa panahong ito? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang anumang himalang ipapakita sa inyo.”
13. Pagkatapos, iniwan niya sila. Sumakay ulit siya sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa.
14. Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka.
15. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.”
16. Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay.
17. Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo?
18-19. May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!”
20. Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!”
21. At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”