Marcos 15:21-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Habang naglalakad sila, nasalubong nila ang isang tao na galing sa bukid. Siyaʼy si Simon na taga-Cyrene, na ama ni Alexander at ni Rufus. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.

22. Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo.”

23. Pagdating nila roon, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira, pero hindi niya ito ininom.

24. Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa.

25. Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus.

26. May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.”

27. May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.

Marcos 15