8. Palagi ka sanang maging maligaya.
9. Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Dios dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo.
10. Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala ng trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala ng pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.
11. Mayroon pa akong nakita rito sa mundo: Hindi lahat ng mabibilis ay nananalo sa takbuhan, at hindi lahat ng malalakas ay nananalo sa labanan. Hindi rin lahat ng matatalino ay nagkakaroon ng hanapbuhay, hindi lahat ng marurunong ay nagiging mayaman at hindi rin lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay. Dahil ang bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran.
12. Pero hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras. Tulad siya ng isang ibong nabitag o ng isdang nahuli sa lambat. Biglang dumarating sa tao ang masamang pagkakataon na para siyang nahuli sa isang patibong.
13. Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan.
14. May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan.
15. Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya.
16. Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin.
17. Ang marahang salita ng marunong ay mas magandang pakinggan kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal.
18. Mas makapangyarihan ang karunungan kaysa sa mga sandata ng digmaan. Pero ang isang makasalanan ay makakasira ng maraming kabutihan.