Mangangaral 7:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan.

2. Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa.

3. Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao.

4. Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan.

5. Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal.

6. Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan.

7. Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal.

8. Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas.

9. Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal.

10. Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan.

Mangangaral 7