Mangangaral 10:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Kung paanong napapabaho ng isang patay na langaw ang isang boteng pabango, ganoon din ang kaunting kamangmangan, nakakasira ng karunungan at karangalan.

2. Ang taong marunong ay gustong gumawa ng kabutihan, pero ang hangal ay gustong gumawa ng kasamaan.

3. At kahit sa paglalakad ng hangal, nakikita ang kawalan niya ng karunungan at ipinapakita sa lahat ang kanyang kahangalan.

4. Kung nagalit sa iyo ang iyong pinuno, huwag ka agad magbitiw sa tungkulin, dahil kapag nawala na ang galit niyaʼy baka patawarin ka niya gaano man kalaki ang iyong kasalanang nagawa.

5. May isa pa akong nakitang hindi maganda rito sa mundo at itoʼy ginagawa ng mga pinuno:

6. Ang mga mangmang ay binibigyan ng mataas na tungkulin, pero ang mga mayayaman ay binibigyan ng mababang tungkulin.

7. Nakakita rin ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo habang ang mga dakilang taoʼy naglalakad na parang alipin.

8. Kapag ikaw ang naghukay, baka ikaw din ang mahulog doon. Kapag lumusot ka sa butas ng pader, baka tuklawin ka ng ahas doon.

9. Kapag nagtibag ka ng bato, baka mabagsakan ka nito. Kapag nagsibak ka ng kahoy, baka masugatan ka nito.

Mangangaral 10