Leviticus 14:9-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo.

10. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taong gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala rin siya ng isang basong langis.

11. Pagkatapos, dadalhin ng pari ang tao at ang handog niya sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan.

12. Kukunin ng pari ang isang lalaking tupa at ang isang basong langis, at ihahandog niya ito bilang handog na pambayad ng kasalanan. Pagkatapos, itataas niya ito sa Panginoon bilang handog na itinataas.

13. At papatayin niya ang tupa sa Banal na Lugar, doon sa pinagpapatayan ng mga handog sa paglilinis at handog na sinusunog. Ang tupang ito na handog ay napakabanal, at ito ay para sa mga pari, katulad ng handog na pambayad ng kasalanan.

14. Pagkatapos, kukuha ang pari ng dugo ng tupang handog na pambayad ng kasalanan at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong naghandog at sa kanyang kanang hinlalaki sa kamay at paa.

15. Kukuha rin ang pari ng langis at magbubuhos sa kanyang kaliwang palad,

16. at ilulubog niya sa langis ang mga daliri niya sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon.

17. Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga at kanang hinlalaki ng kamay at paa ng taong pinahiran niya mismo ng dugo.

21. Pero kung mahirap ang tao at hindi niya kayang maghandog ng mga ito, magdala na lang siya ng isang lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Itataas niya ang handog na ito sa Panginoon para matubos siya sa kanyang kasalanan. Magdala rin siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na may halong langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala pa siya ng isang basong langis.

22. Magdadala rin siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Alinman ang kanyang makakayanan sa mga ito, ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog.

23. Sa ikawalong araw, ang lahat ng handog na itoʼy dadalhin niya sa presensya ng Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya ito sa pari.

24. Kukunin ng pari ang tupang ihahandog bilang pambayad ng kasalanan at ang isang basong langis, at itataas niya iyon sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas.

25. Pagkatapos, papatayin niya ang tupa at kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki niya sa kanang kamay at paa.

Leviticus 14