32. Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong may sakit sa balat at kung ano ang dapat niyang gawin kung hindi niya kaya ang handog sa paglilinis.
33. Ito ang sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron
34. tungkol sa dapat gawin kung patutubuin ng Panginoon ang mga amag sa kanilang mga bahay kapag silaʼy nasa Canaan na, ang lugar na ibibigay ng Panginoon sa kanila bilang pag-aari:
35. Kung mapuna ng may-ari ng bahay na nagkakaamag ang kanyang bahay, dapat niya itong sabihin sa pari.
36. At bago pumasok ang pari sa bahay na iyon, ipag-uutos niyang ilabas lahat ang kagamitan sa loob ng bahay, dahil baka pati iyon ay maibilang na marumi. Pagkatapos, papasok ang pari sa bahay
37. at titingnan niya ang amag. Kapag nakita niyang ang dingding ay parang kulay berde o namumula, at parang makapal ang tagos sa dingding,
38. lalabas ang pari sa bahay na iyon at ipapasara niya ang bahay sa loob ng pitong araw.
39. Sa ikapitong araw, babalik ang pari at muling titingnan ang amag sa bahay. At kung iyon ay kumalat pa sa ibang bahagi ng dingding,
40. ipapatanggal niya ang mga dingding na may amag at ipapatapon sa labas ng bayan, doon sa pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.
41. At ipababakbak niya ang lahat ng bahagi ng dingding sa loob ng bahay at ang lahat ng binakbak ay ipapatapon din niya sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.
42. At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.
43. Pero kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay,
44. pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay.