Juan 16:20-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati sa mangyayari sa akin, pero sasaya ang mga taong makamundo. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan.

21. Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Pero pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo.

22. Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan.

23. “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo.

24. Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.

25. “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama.

26. Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo.

Juan 16