14. Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot.
15. Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang panangga na nakasalansan.
16-17. Sobrang dikit-dikit na ito na kahit ang hangin ay hindi makakalusot at walang makakatuklap nito.
18. Kapag sumisinga siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway.
19. Bumubuga siya ng apoy,
20. at umuusok ang ilong na ang usok ay parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong.
21. Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bunganga.
22. Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan.
23. Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas.
24. Matigas din ang puso niya, kasintigas ng gilingang bato.
25. Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao.
26. Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya.
27. Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy.
28. Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang.
29. Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya.
30. Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas.