Job 36:8-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Pero kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena,

9. ipinapakita sa kanila ng Dios ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila.

10. Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan.

11. Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan.

12. Pero kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.

13. “Ang mga taong hindi makadios ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Dios, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya.

14. Mamamatay silang kahiya-hiya habang bata pa.

15. Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

16. “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan.

17. Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan.

18. Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol.

19. Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan?

20. Huwag mong hahanapin ang gabi, ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa.

21. Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.

22. “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya.

23. Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya.

24. Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit.

25. Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.

26. Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.

Job 36