Job 21:1-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sumagot si Job,

2. “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako.

3. Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.

4. “Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko.

5. Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo?

6. Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.

7. “Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad.

8. Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo.

9. Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios.

10. Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan.

11. Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami. Nagsasayawan sila,

12. nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta.

13. Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay.

14. Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan.

15. Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’

16. Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.

17. “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit.

Job 21