Jeremias 48:35-42 Ang Salita ng Dios (ASND)

35. Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

36. “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila.

37. Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa.

38. Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin.

39. Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”

40. Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan nʼyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad para dagitin ito.

41. Sasakupin ang mga lungsod at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak.

42. Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon.

Jeremias 48