2. Ito ang mensahe laban sa mga sundalo ni Faraon Neco na hari ng Egipto:Tinalo sila ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia roon sa Carkemish malapit sa Ilog ng Eufrates, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda:
3. “Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag at pumunta kayo sa digmaan!
4. Ihanda rin ninyo ang inyong mga kabayong pandigma. Isuot ang inyong mga helmet, hasain ang inyong mga sibat, at isukbit ang inyong mga sandata.
5. Pero ano itong nakita ko? Natatakot kayo at umuurong. Natalo kayo at mabilis na tumakas na hindi man lang lumilingon dahil sa takot.
6. Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
7. “Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang?
8. Ito ay ang bansang Egipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Egipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’