Jeremias 43:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon na kanilang Dios ang tungkol sa kanila,

2. sinabi sa kanya nina Azaria na anak ni Hosaya, Johanan na anak ni Karea, at ng iba pang mayayabang na lalaki, “Sinungaling ka! Hindi ka isinugo ng Panginoon na aming Dios, para sabihin sa amin na hindi kami dapat pumunta sa Egipto upang manirahan doon.

3. Si Baruc na anak ni Neria ang naghikayat sa iyo na ibigay kami sa mga taga-Babilonia para patayin nila kami o bihagin.”

4. Kaya si Johanan na anak ni Karea at ang mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo at ang lahat ng mamamayan ay hindi sumunod sa utos ng Panginoon na manatili sila sa Juda.

5. Sa halip, dinala ni Johanan at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang mga natirang taga-Juda na nagsibalikan sa Juda mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan nila. Kabilang dito ang mga lalaki, babae, bata,

6. at mga anak na babae ng hari na ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Dinala rin nila sina Propeta Jeremias at Baruc na anak ni Neria.

7. Hindi sila sumunod sa Panginoon, talagang pumunta sila sa Egipto, at nakarating sila sa lungsod ng Tapanhes.

Jeremias 43