Jeremias 32:8-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. “Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka para mapasaiyo iyon, kaya bilhin mo na iyon.’ ”Alam kong kalooban ito ng Panginoon,

9. kaya binili ko ang bukid na iyon kay Hanamel sa halagang 17 pirasong pilak.

10. Nilagdaan at tinatakan niya ang mga kasulatan ng bilihan sa harap ng mga saksi at tinimbang ang pilak bilang kabayaran.

11. Pagkatapos, kinuha ko ang mga kasulatang may tatak at ang kopyang walang tatak kung saan nakasulat ang mga kasunduan ng bilihan.

12. At ibinigay ko ito kay Baruc na anak ni Neria na apo ni Maseya, sa harap ni Hanamel at ng mga saksi na pumirma sa mga kasulatang ito, at sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa himpilan ng mga guwardya.

13. At sa harap nilaʼy sinabi ko kay Baruc

14. na ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kunin mo ang mga kasulatang natatakan at hindi natatakan, at ilagay mo sa palayok para hindi ito masira at para tumagal ito ng mahabang panahon.

15. Sapagkat darating ang araw na muling magbibilihan ng mga ari-arian ang mga tao sa lugar na ito. Magbibilihan sila ng mga bahay, mga bukid, at mga ubasan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

16. Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Neria, nanalangin ako.

17. “O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa.

18. Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan.

Jeremias 32