15. “Baka sabihin nʼyong nagsugo ako sa inyo ng mga propeta riyan sa Babilonia,
16. pero ito ang sinabi ko tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan nʼyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama nʼyo:
17. Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain.
18. Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao.
19. Sapagkat hindi nila pinakinggan ang mga salita ko na palaging sinasabi sa kanila ng mga lingkod kong propeta. At pati kayong mga binihag ay hindi rin naniwala.”
20. Kaya makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon, kayong mga ipinabihag niya mula sa Jerusalem papunta sa Babilonia.
21. Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol kina Ahab na anak ni Kolaya at Zedekia na anak ni Maaseya, “Nagsalita sa inyo ng kasinungalingan ang mga taong ito sa pangalan ko. Kaya ibibigay ko sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sila ay ipapapatay niya sa harap mismo ninyo.
22. Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, ‘Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedekia at Ahab na sinunog ng hari ng Babilonia.’