Jeremias 23:6-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.

7. “Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Egipto!’

8. Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat. At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.’ ”

9. Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang mga buto ko at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila.

10. Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga dios-diosan, dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kapangyarihan nila. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim.

11. Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang mga pari ay kagaya rin ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa templo ko.

12. Kaya magiging madilim at madulas ang daan nila. Matitisod at madadapa sila dahil pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan sa panahon na parurusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

Jeremias 23