17. Kung ayaw pa rin ninyong makinig, iiyak ako ng lihim dahil sa pagmamataas ninyo. Iiyak ako ng malakas at dadaloy ang mga luha ko dahil bibihagin ang mga hinirang ng Panginoon.
18. Inutusan ako ng Panginoon na sabihin sa hari at sa kanyang ina na bumaba sila sa trono nila dahil malapit nang kunin sa ulo nila ang magaganda nilang korona.
19. Isasara ang mga pintuan ng mga bayan sa Negev. Wala nang makakapasok o makakalabas doon. Bibihagin ang lahat ng taga-Juda.
20. Tingnan nʼyo ang mga kaaway na dumarating mula sa hilaga. O Jerusalem, nasaan na ang iyong mga mamamayan na ipinagmamalaki mo, na ipinagkatiwala ko sa iyo para alagaan mo?
21. Ano ang mararamdaman mo kung ang kakampi mong bansa ang sumakop sa iyo? Hindi baʼt magdaramdam ka tulad ng isang babaeng manganganak na?
22. Kung tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ka napahamak na parang babaeng pinunit ang damit at pinagsamantalahan, itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan.
23. Mapapalitan ba ng taong maitim ang kulay ng balat niya? Maaalis ba ng leopardo ang mga batik sa katawan niya? Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem, hindi kayo makakagawa ng mabuti dahil ugali na ninyo ang gumawa ng masama.
24-25. Sinabi ng Panginoon, “Pangangalatin ko kayo katulad ng ipa na ipinapadpad ng hanging mula sa disyerto. Iyan ang kahihinatnan ninyo. Gagawin ko ito sa inyo dahil kinalimutan ninyo ako at nagtiwala kayo sa mga dios-diosan.