Jeremias 11:9-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Muling sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang mga taga-Juda at taga-Jerusalem ay may balak na masama laban sa akin.

10. Tinularan nila ang mga kasalanan ng mga ninuno nilang hindi naniwala sa mga salita ko. Sumamba rin sila sa mga dios-diosan. Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay parehong sumuway sa kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila.

11. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na magpapadala ako sa kanila ng kaparusahan na hindi nila matatakasan. At kahit na humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.

12. Kaya hihingi na lang sila ng tulong sa mga dios-diosang pinaghahandugan nila ng insenso, pero hindi naman sila matutulungan ng mga dios-diosang ito kapag dumating na ang kaparusahan.

13. “Kayong mga taga-Juda, kay dami nʼyong dios-diosan, kasindami ng mga bayan ninyo. At kung gaano karami ang lansangan sa Jerusalem, ganoon din karami ang altar na itinayo nʼyo para pagsunugan ng insenso para sa kasuklam-suklam na dios-diosang si Baal.

14. “Kaya Jeremias, huwag ka nang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag ka nang magmakaawa sa akin para sa kanila dahil hindi ko sila sasagutin kung tatawag sila sa akin sa oras ng paghihirap nila.

15. Gumawa ng maraming kasamaan ang mga mamamayan na minamahal ko. Wala silang karapatang pumunta sa templo ko. Hindi mapipigilan ng mga handog nila ang kaparusahang darating sa kanila. Tuwang-tuwa pa sila sa paggawa ng masama.”

Jeremias 11