Isaias 19:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.

2. Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian.

3. Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista.

4. Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.

5. Matutuyo ang Ilog ng Nilo.

6. Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib,

7. ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito.

8. Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo,

9. at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen.

10. Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.

Isaias 19