1. Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz, at Hezekia.
2. Pakinggan ninyo langit at lupa, dahil sinabi ng Panginoon, “Inalagaan koʼt pinalaki ang mga Israelita na aking mga anak, pero nagrebelde sila sa akin.
3. Kahit ang mga bakaʼy kilala ang kanilang tagapag-alaga, at ang mga asnoʼy alam kung saang sabsaban sila pinapakain ng nagmamay-ari sa kanila, pero ang mga mamamayan kong Israelita ay hindi nakakakilala sa akin.”
4. Sila ay bansang makasalanan, mga taong punong-puno ng kasamaan, lahi ng mga gumagawa ng masama at mapaminsala. Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at siyaʼy tinalikuran nila.
5. Mga taga-Israel, bakit patuloy kayong nagrerebelde? Gusto pa ba ninyong maparusahan? Para kayong tao na puro sugat ang ulo at ang pusoʼy puno ng sakit.
6. Mula ulo hanggang talampakan, walang bahagi na walang sugat, pasa at pamamaga. Hindi ito nahuhugasan, o nabebendahan, o nagagamot.
7. Hindi na mapakinabangan ang inyong bansa; sinunog ng mga dayuhan ang mga lungsod ninyo. Kitang-kita ninyong sinasamsam nila ang mga bunga ng inyong pananim. Sinisira nila ang inyong lupain hanggang sa hindi na mapakinabangan.
8. Walang natira kundi ang Jerusalem. Para itong silungan sa isang ubasan o isang kubol sa taniman ng mga pipino na mag-isang nakatayo, at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway.
9. Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay hindi nagtira ng ilan sa atin, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.
10. Kayong mga pinuno at mga mamamayan ng Jerusalem na katulad ng mga taga-Sodom at Gomora, pakinggan ninyo ang salita at kautusan ng Panginoon na ating Dios.