Genesis 49:10-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Patuloy kang mamumuno, Juda. Magmumula sa mga lahi mo ang magiging mga pinuno. Kaya magbibigay ng buwis sa iyo ang mga bansa at susunod sila sa iyo.

11. Magiging sagana ang iyong lupain; kaya kahit itali mo ang asno malapit sa pinakamagandang tanim na ubas, hindi niya ito makakayang ubusin dahil sa dami. At kahit ipanglaba pa ang katas ng ubas, hindi ito mauubos.

12. Kaya dahil sa masaganang katas ng ubas, magniningning ang iyong mga mata at sa masaganang gatas higit na puputi ang ngipin mo.

13. “Ikaw Zebulun, maninirahan ka sa tabi ng dagat. Ang lupain mo ay magiging daungan ng mga sasakyang pandagat. Ang lupain mo ay aabot hanggang sa Sidon.

14. “Ikaw Isacar, katulad ka ng malakas na asno pero nagpapahinga sa tirahan ng mga tupa.

15. Titiisin mong magpaalipin kahit pa pagpasanin ka ng mabigat at sapilitang pagtrabahuhin, bastaʼt mabuti at sagana lang ang lupaing titirhan mo.

16. “Ikaw Dan, pangungunahan mong mabuti ang iyong mga tao bilang isa sa mga lahi ng Israel.

17. Magiging katulad ka ng makamandag na ahas sa tabi ng daan na tumutuklaw ng paa ng dumaraan na kabayo, kaya nahuhulog ang nakasakay dito.”

18. Pagkatapos, sinabi ni Jacob, “O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.”

19. Nagpatuloy pa siya sa pagsasalita,“Ikaw Gad, lulusubin ka ng grupo ng mga tulisan, pero gagantihan mo sila habang tumatakas sila.

20. “Ikaw Asher, magiging sagana ka sa pagkain. Aani ka ng mga pagkain na para sa mga hari.

21. “Ikaw Naftali, katulad ka ng pinakawalang usa na nanganganak ng magagandang supling.

22. “Ikaw Jose, katulad ka ng mailap na asno sa tabi ng bukal o sa tabi ng bangin.

23. Kaiinisan ka ng mga mamamana. Sa galit nila ay papanain ka nila,

24. pero palagi mo rin silang papanain. At ang braso mo ay patuloy na lalakas, dahil sa tulong ng Makapangyarihang Dios ni Jacob, ang tagapagbantay at ang Bato na kanlungan ng Israel.

25. Siya ang Makapangyarihang Dios ng iyong mga ninuno na tumutulong at nagpapala sa iyo. Bibiyayaan ka niya ng ulan at tubig sa mga bukal. At bibiyayaan ka niya ng maraming anak at hayop.

26. Ngayon, marami akong pagpapala; labis pa sa kasaganaan noon ng mga sinaunang kaburulan. Nawaʼy matanggap mo ang mga pagpapalang ito, Jose – ikaw na nakakahigit kaysa sa iyong mga kapatid.

27. “Ikaw Benjamin, katulad ka ng asong lobo na sumisila sa umaga ng kanyang nahuli para kainin, at sa gabi ay pinaghahati-hatian ang natirang nasamsam.”

Genesis 49