Genesis 47:17-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga kabayo, tupa, baka at asno, at ipinalit ito sa pagkain. Sa loob ng isang taon, sinustentuhan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng kanilang mga hayop.

18. Pagkalipas ng isang taon, pumunta na naman ang mga tao kay Jose at nagsabi, “Hindi po maitatago sa inyo na wala na kaming pera at ang mga hayop namin ay nariyan na sa inyo. Wala na pong naiwan sa amin, maliban sa aming sarili at mga lupain.

19. Kaya tulungan nʼyo po kami para hindi kami mamatay at hindi mapabayaan ang mga lupain namin. Payag po kami na maging alipin na lang ng hari at mapasakanya ang mga lupain namin para may makain lang kami. Bigyan nʼyo po kami agad ng mga binhi na maitatanim para hindi kami mamatay at hindi namin mapabayaan ang mga lupain namin.”

20. Kaya ipinagbili ng lahat ng taga-Egipto ang mga lupain nila kay Jose dahil matindi na ang taggutom. Binili ni Jose ang lahat ng ito para sa hari, kaya ang mga lupaing iyon ay naging pag-aari ng Faraon.

21. Ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon ang mga tao sa buong Egipto.

22. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose. Hindi nila kailangang ipagbili ang mga lupain nila dahil sinusustentuhan sila ng Faraon ng pagkain at ng mga pangangailangan nila.

23. Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayon na nabili ko na kayo pati ang mga lupain ninyo para sa Faraon, heto ang binhi para makapagtanim kayo.

24. Kapag aani kayo, ibigay ninyo sa Faraon ang 20 porsiyento ng ani ninyo. At sa inyo na ang matitira, para may maitanim kayo at may makain ang buong sambahayan ninyo.”

25. Sinabi ng mga tao, “Ginoo, napakabuti po ninyong amo sa amin; iniligtas nʼyo ang buhay namin. Pumapayag po kami na maging alipin ng Faraon.”

26. Kaya ginawa ni Jose ang kautusan sa lupain ng Egipto na ang 20 porsiyento ng ani ay para sa Faraon. Ang kautusang ito ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi naging pag-aari ng Faraon.

Genesis 47