Genesis 27:10-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pagkatapos, dalhin mo ito sa kanya para basbasan ka niya bago siya mamatay.”

11. Pero sinabi ni Jacob sa kanyang ina, “Alam naman po ninyo na balbon si Esau at ako namaʼy hindi.

12. Baka hawakan po ako ni ama at malaman niyang niloloko ko lang siya at sumpain po niya ako sa halip na basbasan.”

13. Sumagot si Rebeka, “Anak, ako ang mananagot kung susumpain ka niya, basta gawin mo lang ang iniuutos ko sa iyo. Lumakad ka na at dalhan mo ako ng kambing.”

14. Kaya kumuha si Jacob ng dalawang kambing at dinala niya sa kanyang ina, at niluto ni Rebeka ang paboritong pagkain ni Isaac.

15. Pagkatapos, kinuha niya ang pinakamagandang damit ni Esau na nasa bahay nila at ipinasuot kay Jacob.

16. Nilagyan niya ng balat ng kambing ang braso ni Jacob pati ang leeg nito na hindi balbon.

17. Pagkatapos, ibinigay niya kay Jacob ang pagkain at ang tinapay na niluto niya.

18. Dinala iyon ni Jacob sa kanyang ama at sinabi, “Ama!”Sinabi ni Isaac, “Sino ka ba anak ko?”

19. Sumagot si Jacob, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak. Nagawa ko na po ang iniutos ninyo sa akin. Bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan nʼyo po ako.”

20. Sinabi ni Isaac, “Anak, paano mo ito nahuli agad?” Sumagot si Jacob, “Tinulungan po ako ng Panginoon na inyong Dios.”

21. Sinabi ni Isaac, “Lumapit ka sa akin anak ko para mahawakan kita kung ikaw nga talaga si Esau.”

22. Kaya lumapit si Jacob, at hinawakan siya ng kanyang ama at sinabi, “Ang boses mo ay parang kay Jacob pero ang braso mo ay parang kay Esau.”

23. Hindi nakilala ni Isaac si Jacob, dahil ang braso niya ay balbon din katulad ng kay Esau.Bago niya basbasan si Jacob,

24. nagtanong pa siya, “Ikaw ba talaga si Esau?”Sumagot si Jacob, “Opo, ako nga po.”

25. Sinabi ni Isaac, “Sige nga, dalhin mo rito ang niluto mo mula sa pinangaso mo, at pagkatapos kong kumain ay babasbasan kita.”Kayaʼt binigyan siya ni Jacob ng makakain at maiinom, at kumain siya at uminom.

26. Pagkatapos, sinabi ni Isaac sa kanya, “Lumapit ka sa akin, anak, at hagkan mo ako.”

27. Lumapit si Jacob sa kanya at hinagkan ang kanyang ama. Nang maamoy ni Isaac ang damit nito, binasbasan niya agad si Jacob na nagsasabi,“Ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng bukid na binasbasan ng Panginoon.

28. Nawaʼy bigyan ka ng Dios ng lupaing masagana ang ani na palaging may hamog na biyaya niya, para maging sagana ang pagkain at katas ng inumin mo.

Genesis 27