16. Ngayon, sinabi ni Abimelec kay Isaac, “Umalis ka na rito, dahil mas makapangyarihan ka na kaysa sa amin.”
17. Kaya umalis si Isaac, at nagpatayo ng tolda niya sa Lambak ng Gerar at doon na nanirahan.
18. Ipinahukay niyang muli ang mga balon ng ama niyang si Abraham dahil tinabunan ito ng mga Filisteo nang mamatay si Abraham. Pinangalanan ni Isaac ang mga balon ng dati ring pangalan na ibinigay noon ni Abraham.
19. Doon sa lambak, naghukay ng bagong balon ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo sila ng bukal.
20. Pero nakipagtalo ang mga pastol na taga-Gerar at mga pastol ni Isaac na kanila raw ang balon na iyon. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Esek, dahil nakipagtalo ang mga taga-Gerar sa kanya.
21. Muling naghukay ang mga alipin ni Isaac ng ibang balon, pero pinag-awayan din nila ito ng mga taga-Gerar. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Sitna.
22. Umalis sina Isaac doon at muling naghukay ng panibagong balon. Hindi na nila ito pinag-awayan, kaya pinangalanan ito ni Isaac na Rehobot. Sapagkat sinabi niya, “Ngayoʼy binigyan tayo ng Panginoon ng malawak na lugar para lalo pa tayong dumami sa lugar na ito.”
23. Hindi nagtagal, umalis si Isaac sa lugar na iyon at pumunta sa Beersheba.
24. Nang gabing dumating siya, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios ng iyong ama na si Abraham. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako. Pagpapalain kita at bibigyan ng maraming lahi dahil kay Abraham na aking lingkod.”
25. Kaya gumawa ng altar si Isaac at sumamba sa Panginoon. Nagpatayo siya ng tolda sa lugar na iyon at nagpahukay ng balon sa kanyang mga alipin.
26. Pumunta si Abimelec kay Isaac mula sa Gerar kasama si Ahuzat na tagapayo niya at si Picol na pinuno ng kanyang mga sundalo.
27. Nagtanong si Isaac sa kanila, “Bakit kayo pumunta rito? Hindi baʼt galit kayo sa akin kaya pinaalis nʼyo ako sa lugar ninyo?”