Ezekiel 39:10-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

11. “Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.

12. “Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain.

13. Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

14. Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon para tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain.

15. Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda para makita ng mga maglilibing at para mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog.

16. (May bayang malapit doon na tatawaging Homonah o Maraming Tao). Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”

17-18. Sinabi pa ng Panginoong Dios sa akin, “Anak ng tao, tipunin mo ang lahat ng uri ng ibon at mababangis na hayop doon sa bundok ng Israel, dahil maghahanda ako ng isang piging at marami akong ihahandog doon na makakain nila. Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan.

19. Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito.

20. Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21. “Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan.

22. At mula sa araw na iyon, malalaman ng mga mamamayan ng Israel na ako ang Panginoon nilang Dios.

23. At malalaman din ng ibang bansa na ang mga mamamayan ng Israel ay binihag dahil sa mga kasalanan nila, dahil hindi sila sumunod sa akin. Kaya pinabayaan ko silang salakayin at patayin ng mga kaaway.

24. Ginawa ko lang sa kanila ang nararapat, ayon sa ginawa nilang kasamaan at kahalayan.”

25. Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kahahabagan ko na ang mga mamamayan ng Israel, ang lahi ni Jacob. Muli ko silang pauunlarin, para maparangalan ang banal kong pangalan.

26. Makakalimutan na rin nila ang kahihiyang sinapit nila at pagtataksil sa akin kapag naninirahan na silang payapa at walang ligalig sa lupain nila.

27. Ipapakita ko ang kabanalan ko sa mga bansa kapag nakuha ko na ang mga Israelita sa mga bansang kaaway nila.

28. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios. Sapagkat kahit ipinabihag ko sila sa ibang mga bansa, ibinalik ko rin silang lahat sa lupain nila at wala akong iniwan kahit isa.

Ezekiel 39