Ezekiel 36:13-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa.

14. Pero mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

15. Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

16. Sinabi pa ng Panginoon sa akin,

17. “Anak ng tao, noong ang mga Israelita ay nakatira pa sa lupain nila, dinungisan nila ito sa pamamagitan ng masasama nilang ugali at pamumuhay. Sa aking paningin, ang kanilang uri ng pamumuhay ay kasindumi ng babaeng may buwanang dalaw.

18. Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko, dahil sa mga pagpatay nila roon sa lupain ng Israel, at dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan na siyang nagparumi sa lupaing ito.

19. Pinangalat ko sila sa ibang mga bansa. Ginawa ko sa kanila ang nararapat ayon sa mga ugali at pamumuhay nila.

20. At kahit saanmang bansa sila pumunta ay ipinapahiya nila ang banal kong pangalan. Sapagkat sinasabi ng mga tao, ‘Sila ang mga mamamayan ng Panginoon, pero pinaalis niya sila sa kanilang lupain.’

Ezekiel 36