1. Noong ika-12 araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon,
2. “Anak ng tao, humarap ka sa Egipto, at magsalita ka laban sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga taga-roon.
3. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban kita, O Faraon, hari ng Egipto. Para kang malaking buwaya na nagbababad sa ilog. Sinasabi mong ikaw ang may-ari ng ilog Nilo, at ginawa mo ito para sa sarili mo.
4. Pero kakawitan ko ng kawil ang iyong panga, at hihilahin kita paahon sa tubig pati na ang mga isdang nakakapit sa mga kaliskis mo.
5. Itatapon kita sa ilang pati na ang mga isda, at hahandusay ka sa lupa at walang kukuha na maglilibing sa iyo. Ipapakain kita sa mga mababangis na hayop at sa mga ibon doon.
6. Malalaman ng lahat ng nakatira sa Egipto na ako ang Panginoon. Sapagkat para kang isang marupok na tambo na inasahan ng mga mamamayan ng Israel.
7. Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan.
8. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo.
9. Magiging mapanglaw ang Egipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon.“At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito,
10. kalaban kita at ang ilog mo. Wawasakin ko ang Egipto at magiging mapanglaw ito mula sa Migdol papuntang Aswan, hanggang sa hangganan ng Etiopia.
11. Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng 40 taon.
12. Gagawin kong pinakamapanglaw na lugar ang Egipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng 40 taon. At pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa.”