Ezekiel 23:14-15-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. “Anak ng tao, noon ay may magkapatid na babae.

3. Nang mga bata pa sila, ibinenta nila ang kanilang dangal doon sa Egipto. Hinayaan nilang magpasasa ang mga lalaki sa kanilang katawan.

4. Si Ohola ang panganay at ang bunso naman ay si Oholiba. Naging asawa ko ang dalawang ito at nagkaroon kami ng mga anak. Si Ohola ay ang Samaria at si Oholiba naman ay ang Jerusalem.

5. “Kahit na asawa ko na si Ohola, patuloy pa rin siyang nagpapagamit sa iba at nahumaling siya sa mga mangingibig niyang sundalo ng Asiria.

6. Makikisig ang mga ito at nasa kasibulan ng kabataan. Matataas ang katungkulan ng mga ito, nakauniporme ng kulay asul at nakasakay sa kabayo.

7. Nagpagamit si Ohola sa lahat ng opisyal ng Asiria, at dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga dios-diosan.

8. Hindi niya itinigil ang mahahalay niyang gawain na sinimulan niya noong nasa Egipto pa siya. Bata pa lang siya, nakiapid na siya at ang mga lalaki ay nagpasasa sa katawan niya.

9. “Kaya, pinabayaan ko na siya sa mga mangingibig niyang taga-Asiria na kinahuhumalingan niya.

14-15. “Patuloy na nagbenta ng kanyang dangal si Oholiba. Nagkagusto siya sa mga opisyal ng Babilonia nang makita niya ang mga larawan ng mga ito sa mga pader. Nakapulang uniporme sila, may sinturon sa baywang at nakaturban.

16. Dahil nagustuhan niya sila, pinaimbitahan niya ang mga ito na bumisita sa kanya.

17. Kaya dumalaw ang mga ito at sumiping sa kanya. Sa pagsiping nila sa kanya, dinungisan nila siya. Pero kinalaunan, nagsawa rin siya at hindi na nagpagamit sa kanila.

18. “Kinasuklaman ko si Oholiba at itinakwil tulad ng kapatid niya dahil patuloy niyang ipinagbibili ang kanyang dangal.

19. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang dangal tulad ng ginawa niya roon sa Egipto noong kabataan niya.

20. Nahumaling siya sa mga kalaguyo niya, na ang ari ay kasinlaki ng sa asno at ang binhi ay kasindami ng sa kabayo.

21. Kaya pinanabikan mo Oholiba ang iyong mahalay na gawain na ginawa mo sa Egipto noong kabataan mo, nang ang mga lalaki roon ay nagpasasa sa katawan mo.

22. “Kaya, ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi sa iyo nito Oholiba, ipapasalakay kita sa mga kalaguyo mong itinakwil mo at pinagsawaan.

23. Sila ay ang mga taga-Babilonia at mga Caldeong mula sa Pekod, Shoa, Koa at ang mga taga-Asiria. Ang mga taga-Asiriang ito ay makikisig at batang-bata. Matataas ang katungkulan nila at nakasakay sa mga kabayo.

24. Lulusob sila sa iyo mula sa hilaga na may maraming sundalo, mga kabayo, at mga karwahe. May mga pananggalang sila at nakahelmet, kukubkubin ka nila. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo at parurusahan ka nila kung ano ang sa tingin nila ay nararapat sa iyo.

25. Sa tindi ng galit ko sa iyo, inatasan ko silang parusahan ka. At sa galit nilaʼy puputulin nila ang ilong mo at mga tainga. Bibihagin nila ang iyong mga anak, at ang matitira sa iyo ay papatayin nila sa pamamagitan ng espada o apoy.

26. Huhubaran ka rin nila at kukunin ang mga alahas mo.

27. Matitigil na ang kahalayan mo at pagpapagamit sa iba na sinimulan mo sa Egipto. Hindi mo na iyon maaalala at makakalimutan mo na ang Egipto.

28. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabing ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo; ang mga taong itinakwil mo matapos mong pagsawaan.

29. Sa galit nila, parurusahan ka nila at sasamsamin ang lahat ng pinagpaguran mo. Iiwanan ka nilang hubad at makikita ng mga tao ang kahiya-hiya mong kalagayan dahil sa kahalayan mo at pagpapagamit sa iba.

30. Iyan ang nagdala sa iyo sa kapahamakan, dahil nakiapid ka sa mga taga-ibang bansa at dinungisan mo ang sarili mo sa pagsamba sa dios-diosan nila.

31. Tinularan mo ang ginawa ng kapatid mo, kaya parurusahan kita katulad ng pagpaparusa ko sa kanya.

32. “Oo, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan kita tulad ng pagpaparusa ko sa iyong kapatid. Ang parusa koʼy tulad ng inuming nakalagay sa isang malaki at malalim na tasa. At kapag nainom mo na ang laman ng tasang ito, kukutyain ka at pagtatawanan dahil puno ito ng galit ko.

Ezekiel 23