10. Mayroon ding mga tao riyan na sumisiping sa asawa ng kanyang ama o sa babaeng may buwanang dalaw na itinuturing na marumi.
11. Mayroon ding sumisiping sa asawa ng iba, o sa manugang niyang babae, o sa kapatid niyang babae.
12. Ang iba ay nagpapasuhol para pumatay ng tao, ang iba ay nagpapatubo ng labis, at ang iba ay nagiging mayaman dahil mukhang pera. Kinalimutan na nila ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
13. Isusuntok ko ang aking kamao sa palad ko sa galit, dahil sa mga pangingikil at mga pagpatay ninyo.
14. Magiging matapang pa rin ba kayo at malakas ang loob sa oras na parusahan ko na kayo? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Siguradong paparusahan ko kayo. Tiyak na gagawin ko ito.
15. Pangangalatin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at patitigilin ko ang mga ginagawa ninyo na nagpaparumi sa inyo.
16. Lalapastanganin kayo ng mga taga-ibang bansa at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”
17. Sinabi rin sa akin ng Panginoon,
18. “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno.
19. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem,
20-21. katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw.
22. Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”
23. Sinabing muli sa akin ng Panginoon,
24. “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit.
25. Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila.