Exodus 36:19-36 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Ang ibabaw ng talukbong nito ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.

20. Pagkatapos, gumawa sila ng balangkas ng Tolda. Ang ginamit nila ay tabla ng akasya.

21. Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at dalawang talampakan ang lapad.

22. Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla.

23. Ang 20 sa tablang ito ay ginamit nila na pangbalangkas sa timog na bahagi ng Tolda.

24. Ang mga tabla ay isinuksok nila sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

25. Ang hilagang bahagi ng Tolda ay ginamitan din ng 20 tabla,

26. at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon bawat tabla.

27. Ang kanlurang bahagi ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla,

28. at dalawang tabla sa mga gilid nito.

29. Ang mga tabla sa sulok ay naikabit nang maayos mula sa ilalim hanggang sa itaas sa pamamagitan ng isang argolya. Ganito rin ang ginawa nila sa dalawang tabla sa mga sulok.

30. Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

31. Gumawa rin sila ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda,

32. lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran, sa likod ng Tolda.

33. Ang biga sa gitna ng balangkas ay inilagay nila mula sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo nito.

34. Binalutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng argolyang ginto na siyang humahawak sa mga tabla. Binalutan din nila ng ginto ang mga biga.

35. Gumawa rin sila ng kurtina na mula sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At maayos na nabuburdahan ng larawan ng kerubin.

36. Gumawa rin sila ng apat na haligi ng akasya na may mga kawit na ginto, at ikinabit nila roon ang kurtina. Ang apat na haligi ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak.

Exodus 36