7. “Tuwing umaga, kapag mag-aasikaso si Aaron ng mga ilaw, magsusunog siya ng mabangong insenso sa nasabing altar.
8. At sa hapon, kapag magsisindi siya ng ilaw, magsusunog siyang muli ng insenso. Dapat itong gawin araw-araw sa aking presensya ng susunod pang mga henerasyon.
9. Huwag kayong mag-aalay sa altar na ito ng ibang insenso, o kahit anong handog na sinusunog, o handog para sa mabuting relasyon, o handog na inumin.
10. Isang beses sa bawat taon, kailangang linisin ni Aaron ang altar sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo sa parang mga sungay na sulok nito. Ang dugong ipapahid ay galing sa handog sa paglilinis. Dapat itong gawin bawat taon ng susunod pang mga henerasyon, dahil ang altar na ito ay napakabanal para sa akin.”
11. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises,
12. “Kapag isesensus mo ang mga mamamayan ng Israel, ang bawat mabibilang ay magbabayad sa akin para sa buhay niya, para walang kapahamakang dumating sa kanya habang binibilang mo sila.
13. Ang ibabayad ng bawat isang mabibilang mo ay anim na gramong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ibibigay nila ito bilang handog sa akin.
14. Ang lahat ng may edad na 20 pataas ang maghahandog nito sa akin.