31. “Kunin mo ang tupa na inialay sa pagtatalaga at lutuin ang karne nito sa isang banal na lugar.
32. Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan.
33. Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito.
34. Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.
35. “Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Gawin mo ang pag-ordina sa kanila sa loob ng pitong araw.
36. Bawat araw, maghandog ka ng isang baka bilang handog sa paglilinis para maging malinis ang altar, at pagkatapos, pahiran mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito.