Exodus 25:9-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Ipagawa mo ang Toldang Sambahan at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.

10. “Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya – mga 45 pulgada ang haba, 27 pulgada ang lapad at 27 pulgada rin ang taas.

11. Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito.

12. Maghulma ka ng apat na argolyang ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid.

13. Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto.

14. Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.

15. Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon.

16. Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang aking mga utos.

17. “Pagawan mo ng takip na purong ginto ang Kahon, na 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad.

20. Kailangan nakalukob ang pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito, at kailangang magkaharap silang dalawa na nakatingin sa takip.

21. Ilagay mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon.

22. Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.

23. “Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad at 27 pulgada ang taas.

24. Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito.

25. Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa.

26. Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa,

27. malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa.

28. Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto.

29. “Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito.

30. At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito.

Exodus 25