1. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2. “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila sa akin. Ikaw ang tumanggap ng kanilang mga handog na gusto nilang ialay sa akin.
3. Ito ang mga handog na tatanggapin mo mula sa kanila: ginto, pilak, tanso,
4. lanang kulay asul, ube at pula, manipis na telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing,
5. balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya,
6. langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso,
7. batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.
8. “Ipagawa mo sa mga mamamayan ng Israel ang Toldang Sambahan para sa akin kung saan titira akong kasama nila.
9. Ipagawa mo ang Toldang Sambahan at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.
10. “Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya – mga 45 pulgada ang haba, 27 pulgada ang lapad at 27 pulgada rin ang taas.
11. Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito.
12. Maghulma ka ng apat na argolyang ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid.
13. Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto.