21. Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha.
22. Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha – mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel kay Moises at nagtanong kung bakit doble.
23. Sinabi ni Moises sa kanila, “Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan para bukas.”
24. Kaya itinira nila ito para sa susunod na araw ayon sa iniutos ni Moises. At nang sumunod na araw hindi ito inuod o bumaho.
25. Sinabi ni Moises sa kanila, “Kainin nʼyo iyan ngayon, dahil ngayon ang Araw ng Pamamahinga para sa Panginoon. Wala kayong makikita niyan ngayon.
26. Makakakuha kayo ng pagkaing ito sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sa araw na iyon, wala kayong makukuhang pagkain.”
27. May mga tao pa ring lumabas para manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita.
28. At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at katuruan?
29. Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Dapat manatili sa bahay niya ang bawat isa sa ikapitong araw. Walang lalabas para kumuha ng pagkain.”
30. Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.
31. Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot.
32. Sinabi sa kanila ni Moises, “Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na ‘manna’ para sa susunod pang mga henerasyon, para makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Egipto.”
33. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na ‘manna’. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa presensya ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon.”
34. Sinunod ito ni Aaron ayon sa sinabi ng Panginoon kay Moises. Inilagay ni Aaron ang “manna” sa Kahon ng Kasunduan para maitago.
35. Kumain ang mga Israelita ng “manna” sa loob ng 40 taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan.
36. (Bawat araw, nag-iipon ang bawat isa sa kanila ng isang “omer” na “manna”, mga isang salop).