Exodus 16:16-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Sinabi ng Panginoon na ang bawat isa sa inyoʼy mag-ipon nito ayon sa inyong pangangailangan; mga isang salop bawat tao.”

17. Kaya nanguha ang mga Israelita ng mga pagkaing ito; marami ang kinuha ng iba habang ang iba naman ay kaunti lang.

18. Nang takalin nila ito, isang salop ang nakuha ng bawat tao. Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang. Tamang-tama lang ang nakuha ng bawat isa.

19. Sinabi ni Moises sa kanila, “Walang magtitira nito para sa susunod na araw.”

20. Pero ang iba sa kanilaʼy hindi nakinig kay Moises, nagtira sila para sa susunod na araw. Pero inuod ito at bumaho. Kaya nagalit si Moises sa kanila.

21. Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha.

22. Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha – mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel kay Moises at nagtanong kung bakit doble.

23. Sinabi ni Moises sa kanila, “Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan para bukas.”

24. Kaya itinira nila ito para sa susunod na araw ayon sa iniutos ni Moises. At nang sumunod na araw hindi ito inuod o bumaho.

Exodus 16