Exodus 15:4-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Itinapon niya sa dagat ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon.Nalunod ang pinakamagagaling na opisyal ng Faraon sa Dagat na Pula.

5. Nalunod sila sa malalim na tubig;lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.

6. “Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon;sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.

7. Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.

8. Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;natuyo ang malalim na dagat.

9. Sinabi ng nagyayabang na kaaway,‘Hahabulin ko sila at huhulihin;paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan at bubusugin ko nito ang aking sarili.Bubunutin ko ang aking espada at lilipulin sila.’

10. Pero sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.

11. O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo?Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!

12. Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.

13. “Sa pamamagitan ng walang tigil nʼyong pagmamahal, gagabayan nʼyo ang inyong mga iniligtas.Sa pamamagitan ng inyong lakas, gagabayan nʼyo sila sa banal nʼyong tahanan.

14. Maririnig ito ng mga bansa at manginginig sila sa takot.Lubhang matatakot ang mga Filisteo.

15. Ang mga pinuno ng Edom at Moab ay manginginig sa takot,at ang mga pinuno ng Canaan ay hihimatayin sa takot.

16. “Tunay na matatakot sila.Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, silaʼy magiging parang bato na hindi nakakakilos,hanggang sa makadaan ang inyong mga mamamayan na inyong iniligtas, O Panginoon.

17. Dadalhin nʼyo ang mga mamamayan ninyo sa inyong lupain,at ilalagay nʼyo sila sa bundok na pagmamay-ari ninyo –ang lugar na ginawa nʼyong tahanan, O Panginoon,ang templong kayo mismo ang gumawa.

18. Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”

Exodus 15