Exodus 14:14-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”

15. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay.

16. Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa.

17. Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako.

18. At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.”

19. Pagkatapos, lumipat sa hulihan ang anghel ng Dios na nangunguna sa mamamayan ng Israel, ganoon din ang makapal na ulap.

20. Tumigil ito sa gitna ng mga Israelita at mga Egipcio. Sa buong gabi, nagbigay ng liwanag ang ulap sa mga Israelita at nagbigay ng kadiliman sa mga Egipcio. Kaya lumipas ang gabi na hindi nakalapit ang mga Egipcio sa mga Israelita.

21. Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nahati ang dagat sa pamamagitan ng malakas na hangin na ipinadala ng Panginoon mula sa silangan. Buong gabing umihip ang hangin hanggang ang gitna ng dagat ay naging tuyong lupa.

22. At tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid.

23. Hinabol sila ng mga sundalo ng Egipto kasama ang kanilang mga mangangabayo, mga karwahe at mga kabayo.

24. Nang mag-uumaga na, tiningnan ng Panginoon ang mga sundalo ng Egipto mula sa makapal na ulap at naglalagablab na apoy, at nilito niya sila.

25. Tinanggal niya ang mga gulong ng mga karwahe nila para mahirapan silang patakbuhin ito. Sinabi ng mga Egipcio, “Umatras na lang tayo sa mga Israelita, dahil ang Panginoon ang lumalaban sa atin para sa kanila.”

Exodus 14