Deuteronomio 33:14-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Sa tulong ng araw, mamunga sana nang maayos ang kanilang mga pananim at mamunga sa tamang panahon nito.

15. Sana ang kanilang sinaunang kabundukan at kaburulan ay magkaroon ng mabuti at masaganang mga bunga.

16. Umani sana ng pinakamagandang produkto ang kanilang lupa dahil sa kabutihan ng Dios na nagpahayag sa kanila sa naglalagablab na mababang punongkahoy. Manatili sana ang mga pagpapalang ito sa lahi ni Jose dahil nakakahigit siya sa kanyang mga kapatid.

17. Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki.Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka.Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang nasa malayo.Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manase.”

18. Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar,“Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.

19. Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Dios.Magdiriwang sila dahil maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”

20. Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad,“Purihin ang Dios na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad!Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.

Deuteronomio 33