Deuteronomio 31:11-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. babasahin ninyo ang mga utos na ito sa lahat ng mga Israelita kung magtitipon sila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya.

12. Tipunin ang mga tao – mga lalaki, babae, bata at mga dayuhang naninirahan sa bayan nʼyo – upang makapakinig sila at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios at sumunod nang mabuti sa lahat ng ipinatutupad ng mga utos na ito.

13. Gawin ninyo ito para ang inyong mga anak na hindi pa nakakaalam ng mga utos na ito ay makarinig din nito at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo sa lupaing aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”

14. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay, kaya ipatawag mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan, dahil tuturuan ko siya roon ng gagawin niya.” Kaya pumunta sina Moises at Josue sa Toldang Tipanan.

15. Nagpakita ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi roon sa may pintuan ng Tolda.

16. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay at makasama ng mga ninuno mo. Kung wala ka na, ang mga taong ito ay sasamba sa ibang mga dios na sinasamba ng mga tao sa lupaing pupuntahan nila. Itatakwil nila ako at susuwayin ang kasunduang ginawa ko sa kanila.

17. Sa araw na iyon, magagalit ako sa kanila at itatakwil ko sila. Tatalikuran ko sila at silaʼy malilipol. Maraming kapahamakan at kahirapan ang darating sa kanila, at sa panahong iyon, magtatanong sila, ‘Dumating ba sa atin ang mga kapahamakang ito dahil hindi tayo sinasamahan ng Panginoon?’

18. Tatalikuran ko sila sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila at pagsamba sa ibang mga dios.

Deuteronomio 31