22. “Sa mga susunod na henerasyon, ang inyong mga lahi at ang mga dayuhang galing sa malayong lugar ay makakakita ng mga kalamidad at mga karamdamang ipapadala ng Panginoon sa inyo.
23. Ang buong lupain ninyo ay magiging katulad ng disyerto na natabunan ng asupre at asin. Walang magtatanim sa lupaing ito dahil hindi tutubo ang mga pananim. Magiging katulad ito ng pagkawasak ng Sodom at Gomora, Adma at Zeboyim na ibinagsak ng Panginoon dahil sa matindi niyang galit.
24. Pagkatapos, magtatanong ang mga bansa, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa kanyang bansa? Bakit napakatindi ng kanyang galit?’
25. “At sasagutin sila nang ganito, ‘Dahil sinuway ng mga taong ito ang kasunduang ginawa sa kanila ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang inilabas niya sila sa Egipto.
26. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga dios na hindi nila nakikilala, na ipinagbawal ng Panginoon na sambahin nila.
27. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanilang bansa at ipinalasap niya sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito.
28. Sa matinding galit ng Panginoon, pinalayas niya sila sa kanilang bansa at ipinabihag sa ibang mga bansa kung saan sila naninirahan ngayon.’
29. May mga lihim na bagay na ang Panginoon lang ang nakakaalam, pero ipinahayag niya sa atin ang kanyang kasunduan, at dapat natin itong sundin maging ng ating lahi magpakailanman.