24. Sa halip na tubig ang ibigay ng Panginoon sa inyo bilang ulan, alikabok ang ibibigay niya. Pauulanin niya ng alikabok hanggang sa mamatay kayo.
25. “Ipapatalo kayo ng Panginoon sa inyong mga kaaway. Sama-sama kayong sasalakay sa kanila, pero magkakanya-kanya kayo sa pagtakas. Magiging kasuklam-suklam kayo sa lahat ng kaharian sa mundo.
26. Kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay ninyo, at walang magtataboy sa kanila.
27. Pahihirapan kayo ng Panginoon sa mga bukol na ipinadala niya sa mga Egipcio. Patutubuan niya kayo ng tumor, pangangati at galis na hindi gumagaling.
28. Gagawin kayong baliw ng Panginoon, bubulagin at lilituhin.
29. Mangangapa kayo kahit na araw tulad ng isang bulag. Hindi kayo uunlad sa lahat ng ginagawa ninyo. Palagi kayong aapihin at pagnanakawan, at walang tutulong sa inyo.
30. “Aagawin ng ibang lalaki ang babaeng magiging asawa ninyo. Magpapatayo kayo ng mga bahay pero hindi kayo ang titira rito. Magtatanim kayo ng ubas pero hindi kayo ang makikinabang sa mga bunga nito.
31. Kakatayin ang baka ninyo sa inyong harapan, pero hindi ninyo ito makakain. Pipiliting kunin sa inyo ang inyong mga asno, at hindi na ito ibabalik sa inyo. Ibibigay ang inyong mga tupa sa inyong mga kaaway, at walang tutulong sa inyo upang mabawi ito.
32. Habang nakatingin kayo, bibihagin ang mga anak ninyo ng mga taga-ibang bansa, at araw-araw kayong aasang babalik sila, pero wala kayong magagawa.
33. Kakainin ng mga taong hindi ninyo nakikilala ang pinaghirapan ninyo, at palagi kayong aapihin at pahihirapan.
34. At kapag nakita ninyo itong lahat, mababaliw kayo.
35. Patutubuan kayo ng Panginoon ng mga bukol na hindi gumagaling mula sa sakong hanggang sa ulo ninyo.
36. “Kayo at ang pinili ninyong hari ay ipapabihag ng Panginoon sa bansang hindi ninyo kilala maging ng inyong mga ninuno. Doon, sasamba kayo sa ibang mga dios na gawa sa kahoy at bato.
37. Kasusuklaman kayo, hahamakin, at kukutyain ng mga naninirahan sa mga bansa kung saan kayo binihag.